Matutong magpasensiya
Ni Pastor Junie Josue
Nababali ang pangako ng tao. Pero ang salita ng Diyos ay maasahan. Kahit mahabang panahon pa ang dumaan, tutuparin ng Diyos ang kaniyang mga sinabi at ipinangako. Ang kuwento ni Joseph ay mababasa sa biblia sa aklat ng Genesis. Nakatanggap siya ng salita ng Diyos sa pamamagitan ng isang panaginip na siya ay isang magiging magiting at dakila pagdating ng araw. Pero hindi kaagad nakita ni Joseph ang katuparan ng pangako ng Diyos sa kaniya. Maraming taon din ang lumipas.
Dahil sa inggit at inis, binenta siya ng kaniyang mga kapatid na lalaki at siya ay naging alipin sa isang banyagang lugar – sa bayan ng Egypt. Sa kabila nito, nagsipag siya at pinagpala ang bahay ng kaniyang amo dahil sa kaniya. Pero natipuhan siya ng misis ng kaniyang amo at nang tumanggi si Joseph na sumiping sa kaniya, pinaratangan niya si Joseph na pinagtangkaan siyang gahasain nito. Nauwi siya sa bilangguan.
Sa kabila nito, pinamahala siya sa kulungan na kaniyang kinalalagyan. Tinulungan niya ang dalawang lingkod ng hari na nakakulong rin kasama niya na malaman nila ang kahulugan ng kanilang panaginip. Ayon sa kaniya, ang isa sa lingkod ng hari ay mapapalaya. Nagkatotoo nga ito at pinangako ng lingkod na iyon na tutulungan niya si Joseph na makalaya rin. Pero lumipas ang panahon ay nasa preso pa rin siya. Mula sa pagtakwil sa kaniya ng kaniyang sariling mga kapatid tungo sa pagkawalay niya sa kaniyang pamilya lalo na sa kaniyang minamahal na tatay, tungo sa pagiging alipin, tungo sa pagkakabilanggo kahit wala naman siyang sala, tungo sa pagkalimot ng isang tao na nangakong tutulungan siyang makalaya. Paano niya natagalan ang lahat ng dagok sa kaniyang buhay?
Naniniwala ako na ito ay dahil nanindigan siya sa pangako ng Diyos. Patuloy niyang kinapitan ang salita ng Diyos na balang araw magiging dakila siya. At pagkatapos nga ng dalawang taon, naalala siya ng lingkod ng hari at siya’y pinalabas sa preso para magbigay kahulugan sa mga panaginip ng hari na bumabagabag sa kaniya nang husto. Dahil bumilib ang hari sa kaniyang karunungan, siya’y in-appoint na maging kanang kamay ng hari. At matatandaan na ang Egypt ay ang pinakamakapangyarihang bayan noong mga panahonng iyon. Siya rin ang naging daan para maligtas niya ang kaniyang sariling pamilya mula sa matinding kagutuman noong panahong iyon.
Bilang mga Kristyano, dumaraan rin tayo sa mga pagsubok at hamon sa buhay. Pero malaki ang kaibahan natin sa mga taong hindi nananampalataya sa Diyos dahil mayroon tayong salita ng Diyos na nagbibigay kalakasan at kapangyarihan sa atin para mapagtagumpayan natin ang mga ito.
Pero minsan kahit na nagtitiwala tayo sa mga pangako ng Diyos, tila parang walang nangyayari o parang minsan mas lumalala pa ang mga pangyayari o may may mga bagay na nagaganap na di natin inaasahan. Parang hintay na lamang tayo nang hintay at siyempre hindi natin maiwasan na mawalan ng loob. Sa biblia, mababasa na ang pananampalataya ay kalakip nang pagpapasensiya o pagtitiis. Kung wala tayong pagpapasensiya, ang ating pananampalataya ay hindi makakayanang manghawakan nang husto sa salita ng Diyos hanggang ito’y magkaroon ng katuparan sa ating buhay. May nagsabi na ang kapangyarihan ng pagpapasensiya ang siyang dahilan kung bakit patuloy tayong nakaangkla sa salita ng Diyos at hindi tayo natitinag ng mga pisikal na pangyayari na nakikita ng ating mga mata. Kung wala tayong pagpapasensiya, ang ating pananampalataya ay hindi makakayanang manghawakan nang husto sa salita ng Diyos hanggang sa ito’y magkaroon ng katuparan sa ating buhay.
Kaibigan, ang kaparaanan ng Diyos ay hindi tulad sa ating sariling kaparaanan. Palagi nating naiisip na kailangang ngayon na natin matanggap ang mga pinangako niya sa atin. Minsan nalilimutan natin na Siya lamang ang nakakaalam ng lahat ng bagay at alam niya ang pinakamainam na panahon kung kailan niya ibibigay o ipahihintulutan ang isang bagay sa ating buhay. At ang panahon ng paghihintay natin sa sagot ng Diyos ang panahon kung saan inihahanda niya ang ating puso at karacter para sa darating na pagpapala.
Pastor Junie Josue is Senior Pastor of International Worship Centre (IWC) at 1077 St. James St. (Worship Services: Sundays - 9 a.m. Tagalog, 10:45 a.m. English service). Other IWC English worship services every Sunday are also held at the following sites: Cineplex Entertainment, Kildonan Place at 1555 Regent Avenue at 10:30 a.m. & Cinema City Northgate at 1399 McPhillips St. at 10:15 a.m. Pastor Junie is also host of radio program Higher Life on CKJS 810 AM, Monday to Friday, 8:50 a.m. For more information, call 774-4478.